Home METRO Kelot timbog sa baril sa Pasay

Kelot timbog sa baril sa Pasay

MANILA, Philippines – Nadakip ng mga tauhan ng Quick Response Team (QRT) ng Pasay City police ang isang lalaki na armado ng baril Lunes ng tanghali, Mayo 6.

Kinilala ni Pasay City police chief P/Col. Mario Mayames Jr. ang nadakip na suspect na si alyas Emiliano, 38, residente ng Barangay Layong Mabilog, Maragondon, Cavite City.

Base sa report na natanggap ni Mayames, naganap ang pag-aresto sa suspect dakong alas 12:30 ng tanghali sa loob ng THA Building na matatagpuan sa panulukan ng Buendia at Taft, Barangay 49, Pasay City.

Makaraang makuha ang impormasyon ay agad na pinasok ng mga tauhan ng QRT ang gusali ng THA kung saan nilapitan ni Mayoya ang suspect at nagpanggap siyang isang security guard na naghahanap ng baril.

Agad na inilabas ng suspect ang baril na kanyang kinuha sa kanyang backpack ngunit nang tanungin siya ni Mayoya tungkol sa License to Own and Possess Firearms (LTOPF), Firearm Registration, at Permit to Carry Outside Residence ay wala itong maipakita sa kanya.

Sa pagkakataong ito ay nagpakilala na si Mayoya na isang alagad ng batas na nagdulot ng pagkakaaresto sa suspect.

Narekober sa posesyon ng suspect ang isang Cal. 45 Armscor firearm na may serial number 1102870 na kargado ng magazine na may anim na bala.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Investigation and Detective Management Section (IDMS) ng Pasay City police ang suspect na nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunitions Act) sa Pasay City Prosecutor’s Office. James I. Catapusan