MANILA, Philippines – Sinabi ni Senador Ronald dela Rosa nitong Miyerkules, Mayo 8, na walang kaugnayan ang imbestigasyon sa umano’y “PDEA leaks” sa sinabi ni dating Senador Antonio Trillanes IV na posibleng ilabas na ang arrest warrant mula sa International Criminal Court sa Hunyo o Hulyo.
Ang ‘alleged leaked document’ mula sa Philippine Drug Enforcement Agency ay nag-uugnay kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa illegal na droga.
Matatandaang tinawanan lamang ni Marcos ang isyu habang tinawag ni executive secretary Lucas Bersamin ang claim bilang “contrived.”
“Bakit ako mag-conduct ng investigation para doon? In fact, it would be detrimental on my part kung nag-conduct ako ng investigation. I got the ire of the President,” sinabi ni Dela Rosa na chairman ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs.
“Pag nagalit siya sa akin baka puwede niya pang papasukin ang ICC dahil nga magalit siya sa akin. Bakit ako nag-conduct ng investigation?” dagdag ng senador.
Si Dela Rosa at dating Pangulong Rodrigo Duterte ay kabilang sa mga subject ng imbestigasyon ng ICC sa umano’y crimes against humanity dahil sa madugong drug war.
Tiwala naman si Dela Rosa sa pangako ni Marcos na hindi makipagtulungan ang pamahalaan ng Pilipinas sa ICC.
Sinabi rin ni Marcos na hindi niya isusuplong si Duterte sa ICC.
“The President is very clear in his declaration, naniwala ako kay Pangulong Marcos hindi niya gagawin ‘yan,” ayon kay Dela Rosa sa posibleng pag-aresto sa kanila. RNT/JGC