PANGASINAN, Philippines – Swak sa kulungan ang isang 39-anyos na lalaki matapos maaresto sa isinagawang anti-illegal drugs buy-bust operation sa bayan ng Calasiao ng lalawigang ito nitong Miyerkules (Abril 8) ng gabi.
Ayon sa Calasiao MPS, ang suspek ay residente ng naturang bayan.
Ang buy-bust operation ay ikinasa ng mga personnel ng Calasiao MPS sa pakikipag-ugnayan sa PDEA RO1.
Bandang alas-5:45 ng hapon nang ikasa ang buy-bust operation na tumagal hanggang alas-8:10 ng gabi.
Nakarekober ang mga awtoridad ng tatlong heat sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu at tatlong transparent plastic sachet na may naiwang bakas o residue ng hinihinalang shabu.
Tumitimbang ng humigit-kumulang sa 149.1 gramo ang narekober na hinihinalang shabu at tinatayang nagkakahalaga ito ng P1,013,880.
Bukod sa hinihinalang shabu, may mga narekober din ang mga awtoridad na non-drug evidence.
Ginawa ang inventory at markings sa mga nakumpiskang ebidensya doon mismo sa lugar na pinangyarihan ng buy-bust, sa presensya ng mga mandatory witness at suspek. ROLANDO S. GAMOSO