MANILA, Philippines – Patay at duguan nang matagpuan ang isang lalaki sa loob ng hotel sa Cubao, Quezon City nitong Huwebes ng gabi.
Nakagapos ang kaniyang mga kamay at paa nang madiskubre ng roomboy bandang 8 p.m., mahigit 24 oras matapos siyang mag-check-in.
Ayon kay Lt. Jaevon Ulysses Marigondon ng Cubao Police Investigation Unit, kinatok muna ng roomboy ang kuwarto ngunit walang sumasagot kaya ginamitan ng master key bago nadiskubre ang bangkay.
Tinatayang nasa 30 hanggang 35 taong gulang ang biktima, na hindi pa nakikilala. Nadiskubre rin ng pulisya na nagkalat ang mga gamit sa kuwarto at may drug paraphernalia sa kama.
Patuloy na iniimbestigahan ng Quezon City Police District ang insidente at sinusuri ang CCTV footage sa lugar upang matukoy ang nasa likod ng krimen. Santi Celario