Home NATIONWIDE OSG, magkokomento sa BSKE petition

OSG, magkokomento sa BSKE petition

303
0

MANILA, Philippines – IPINAUBAYA na ng Malacañang sa Office of the Solicitor General (OSG) ang paghahain ng komento o pagtugon sa petisyong humahamon at sumusubok sa konstitusyonalidad ng Republic Act (RA) 12232, na naglipat sa Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) mula Disyembre 1, 2025 patungo sa unang Lunes ng Nobyembre 2026.

Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malacañang, bahala na ang OSG, bilang legal counsel ng gobyerno ng Pilipinas, na tumugon sa kautusan ng Korte Suprema para sa executive branch na magkomento sa petisyon.

“We have already referred it to OSG as counsel of the Republic,” ayon kay Castro sa text message.

Sa ulat, pinagsama-sama ng Korte Suprema ang tatlong petisyon kontra sa BSKE postponement.

Winika ni SC spokesperson Camille Ting na walang temporary restraining order na ipinalalabas sa ngayon.

Matatandaang tinintahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang batas na nagpapaliban sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) ngayong taon upang bigyang-daan ang kauna-unahang halalan para sa parlyamento ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Alinsunod sa Republic Act No. 12232, ililipat ang nakatakdang halalan sa Disyembre 1, 2025 tungo sa unang Lunes ng Nobyembre 2026, na tatapat sa Nobyembre 2 — Araw ng mga Kaluluwa.

Mula rito, idaraos na ang regular na BSKE kada apat na taon.

Kasama rin sa nasabing batas ang pagpapalawig ng termino ng mga halal na opisyal ng barangay at SK mula tatlong taon tungo sa apat na taon.

Gayunpaman, nananatiling hanggang tatlong sunod-sunod na termino lamang ang maaaring pagsilbihan ng mga barangay officials, katumbas ng 12 taon.

Samantala, isang termino lamang ang papayagan para sa mga SK officials.

Dagdag pa rito, ang mga kasalukuyang barangay officials na nasa ikatlong sunod na termino ay hindi na maaaring tumakbo muli sa parehong posisyon sa darating na halalan sa Nobyembre 2026.

Ayon kay Pangulong Marcos, ang pagpapaliban ng BSKE ay isang “pinakasensibleng” hakbang upang mabigyang-pokus ang pagsasagawa ng BARMM parliamentary elections sa Oktubre 13, 2025.

Aniya, napakahalaga ng halalang ito sa Mindanao dahil ito ang magpapalit sa kasalukuyang Bangsamoro Transition Authority (BTA), na binubuo ng mga presidential appointees, tungo sa halal na pamunuan. Binanggit din niya na ang pagkabigo sa halalang ito ay maaaring magdulot ng banta sa nagpapatuloy na kapayapaan sa rehiyon. Kris Jose

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here