Manila, Philippines – Idinaan sa social media ni Kiko Pangilinan ang kanyang paliwanag kaugnay ng pagdalo niya’t pakikipag-bonding kay PBMM nang umattend sila ng asawang si Sharon Cuneta sa Konsyerto sa Palasyo.
Hanggang ngayon kasi’y marami ang nagtataas ng kilay sa prensenya ng dating senador gayong kilala nga naman siyang Kakampink.
Ang mga tinatawag na Kakampink ay ang mga tagasuporta ni dating VP Leni Robredo na nakalaban ni Marcos Jr. sa pampanguluhan.
Damay rin kasi ang Megastar sa pamba-bash.
Ani Kiko, sinamahan daw niya ang kanyang misis upon the invitation of MalacaƱang.
‘Yung event namang ‘yon ay bilang pagtulong sa industriya ng lokal na showbiz.
Nagkataong isa sa mga kinikilalang haligi nito’y si Sharon.
Inamin pa ni Kiko na kaisa siya sa mga inisyatiba ng pamahalaan lalo na ang pagkundena nito ng mga POGO sa bansa.
Isama na rin daw dito ang pagkundena ng Marcos administration sa Chinese aggression na sinusuportahan niya.
Pero iginiit ni Kiko na hindi porke’t nakipag-bonding siya kay PBMM at First Lady Liza Araneta-Marcos, ibig sabihi’y ibinabasura rin niya at ng kanyang mga kaalyado ang kanilang prinsipyo.
Sa madaling salita, wala ni katiting na bahid-pulitika ang pagsipot niya sa KSP. Ronnie Carrasco III