MANILA, Philippines – Nasamsam ng mga awtoridad ang nasa P15 milyong halaga ng liquefied petroleum gas (LPG) tanks na dinaya ang mga timbang, sa isang warehouse sa Guiguinto, Bulacan.
Ang operasyon ay nag-ugat sa search warrant na inisyu kasunod ng reklamo ng mga residente.
“Dinadaya po nila yung timbang nito na instead of 11 kgs, ang ginagawa po nila ay 9 kgs ang kinakarga. So yung mga refilling stations po natin minsan ay doon po nagkakaroon ng pandadaya, doon po nagkakaroon ng unfair competition, and of course, yung violation of intellectual property rights,” pahayag ni Police Lieutenant Colonel Milgrace Driz, Bulacan Criminal Investigation and Detection Group provincial officer.
Dahil ang mga LPG tank na ito ay ‘tampered,’ naibebenta ito ng mas mura kumpara sa orihinal na ibinibenta sa pamilihan.
“May mga times na sumasabog po ito. Wala po ‘yang quality control,” ani Driz.
Naaresto ang anim na indibidwal sa naturang operasyon, habang pinaghahanap pa rin ang may-ari ng warehouse.
Wala pang tugon ang mga suspek kaugnay nito. RNT/JGC