MANILA, Philippines – Tutugusin ng Philippine National Police (PNP) ang mga taong nasa likod ng paggawa ng mga online video kung paano gumawa ng boga.
Mayroon kasing insidente kung saan mayroong dalawang bata ang nasita ng mga kapitbahay at ng opisyal ng barangay dahil sa pagpapaputok ng boga.
Nang tanungin ay sinabing natutunan nilang gumawa ng boga sa pamamagitan ng isang TikTok video.
“Doon sa mga nag po-post ng paggawa nito, we want to warn everyone na meron kayong kahaharapin na mabigat na kaso dahil matagal nang pinagbabawal po yan,” pahayag ni PNP spokesperson Police Brigadier General Jean Fajardo.
Sa pinakahuling ulat ng Department of Health, boga ang isa sa pangunahing dahilan ng firecracker-related injuries.
Nagpaalala si Fajardo sa mga magulang at bata na ipinagbabawal ang paggamit ng boga dahil maaari itong magdulot ng pagkabulag, sunog at injury.
Sa Rizal, sinira ng pulisya ang nasa 400 boga na kanilang nakumpiska.
Inaresto rin ng PNP Anti-Cybercrime Group (ACG) ang dalawang indibidwal na nasa likod ng pagbebenta ng illegal firecrackers na nagkakahalaga ng P6,900 online. RNT/JGC