Home NATIONWIDE PBBM sa bagong law graduates: Manatiling tapat sa prinsipyo ng pagiging abogado

PBBM sa bagong law graduates: Manatiling tapat sa prinsipyo ng pagiging abogado

4
0

MANILA, Philippines – HINIMOK ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga bagong nagtapos ng kursong law sa Iloilo City na manatiling matatag at tapat sa mga prinsipyong nagbunsod sa kanila upang tahakin ang propesyon ng pagiging abogado.

Sa kanyang talumpati sa ika-tatlong Commencement Exercises ng College of Law ng West Visayas State University (WVSU), sinabi ng Pangulo na mahalagang panghawakan ng mga bagong law graduates ang integridad, katarungan, at katotohanan sa kanilang magiging tungkulin.

“Habang hinaharap ninyo ang bagong yugto ng inyong buhay, umaasa akong mananatili kayong matatag sa mga prinsipyong naghatid sa inyo sa propesyong ito. Huwag kayong padadala sa panandaliang opinyon o sa tukso ng kaginhawaan. Hangga’t nakaugat kayo sa integridad, pagiging makatarungan, at sa katotohanan, hindi kayo maliligaw ng landas,” ayon Kay Pangulong Marcos

Dagdag pa ng Pangulo: “Nawa’y piliin ninyo ang prinsipyo kaysa kaginhawaan, katotohanan kaysa kasinungalingan, at paglilingkod kaysa pansariling interes. Gamitin ninyo ang inyong kaalaman upang makatulong sa pagbuo ng isang bansang karapat-dapat sa mga pangarap ng mamamayan nito.”

Ipinahayag din ng Pangulo ang kanyang pananabik na makita ang mga nagtapos na maging ganap na miyembro ng Philippine Bar sa hinaharap.

Dumalo rin sa okasyon si First Lady Louise Araneta-Marcos kasama ang iba pang mga opisyal ng pamahalaan.

Pinangunahan din ni Pangulong Marcos ang pagpapasinaya ng bagong gusali ng College of Law ng unibersidad.

“Sa pagbubukas natin ng bagong pasilidad na ito, binubuksan din natin ang mas maraming oportunidad para sa mga nagnanais maging abogado upang matuto, makapaglingkod, at makapag-ambag sa bansa,” wika ng Pangulo.

Binigyang-diin ng Pangulo ang mahalagang papel ng mga abogado sa pagtataguyod ng katarungan, lalo na para sa mga mahihirap at nasa laylayan ng lipunan.

Binanggit din ng Punong Ehekutibo ang kasabihan ni dating Pangulong Ramon Magsaysay: “Minsang sinabi ni Pangulong Ramon Magsaysay na ang mga kapos sa buhay ay dapat magkaroon ng higit na proteksiyon sa ilalim ng batas.”

Ayon kay Pangulong Marcos, paalala ito na ang propesyon ng abogasiya ay may pananagutang tiyaking hindi napagkakaitan ng proteksiyon ang mahihirap, mahihina, at mga nasa laylayan ng lipunan dahil lamang sa kakulangan ng yaman, impluwensiya, o kapangyarihan.

Sinabi rin ng Pangulo na sa panahong sinusubok ang tiwala ng publiko sa mga institusyon, lalo pang nagiging mahalaga ang pananagutan at integridad ng mga abogado.

“Ang tunay na sukatan ng inyong tagumpay ay hindi lamang ang mga kasong inyong mapapanalunan o mga posisyong inyong mahahawakan.

Masusukat ito sa tiwalang ibibigay sa inyo ng taumbayan, sa pagiging makatarungan ninyo sa inyong propesyon, at sa integridad na inyong ipinapakita kahit walang nakakakita.,” dagdag pa ni Pangulong Marcos.

Pinaalalahanan din ng Pangulo ang mga nagsipagtapos na kasama nila sa kanilang paglalakbay ang suporta ng kanilang mga pamilya, kaibigan, propesor, at ng buong sambayanan.

Sa pagtatapos ng kanyang mensahe, hinikayat ni Pangulong Marcos ang mga bagong law graduates na makibahagi sa paghubog ng Bagong Pilipinas kung saan iginagalang ang tuntunin ng batas, naaabot ng lahat ang katarungan, at bawat Pilipino ay namumuhay nang may dignidad at pag-asa. KRIS JOSE

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here