Bulacan- Arestado ang isang armadong high-value drug suspect nang mahulihan umano ng P238,000 halaga ng ilegal na droga sa buy-bust operation ng pulisya sa lungsod San Jose Del Monte (SJDM).
Sa report kay PCOL Franklin Estoro, Officer-in-Charge ng Bulacan police, kinilala ang suspek na si alyas Didis, 26, residente ng Brgy. Gaya-Gaya.
Ayon sa report, ikinasa ang operasyon ng pinagsanib pwersa ng SJDM police station at Bulacan PIU bandang alas-10:50 ng gabi nitong Hunyo 6 sa Bijasa road, Brgy. Gaya-Gaya.
Nabatid na nasamsam sa suspek ang hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P238,000, caliber .38, tatlong bala, pouch at marked money.
Sinasabing miyembro na Mangoda group na sangkot sa gun-for-hire, gun running at bentahan ng droga ang suspek na nahaharap sa kaukulang kaso. Dick Mirasol III