Home METRO ‘Killer Bulate’ nahuli ng mga parak sa Bulacan ops

‘Killer Bulate’ nahuli ng mga parak sa Bulacan ops

263
0

BULACAN, Philippines – Arestado ang 40 anyos na lalaking kilabot na tulak nang mahulihan ng P95,200.00 halaga ng iligal na droga sa buy-bust operation ng mga awtoridad sa lalawigang ito.

Sa ulat ni PLTCOL Russel Dennis Reburiano, hepe ng Provincial Intelligence Unit (PIU)-Bulacan, kinilala ang suspek na si alyas “Bulate”, residente ng Brgy. Tangos, Baliuag.

Ayon sa report, ikinasa ang operasyon ng pinagsanib na puwersa ng PIU, Bulacan West PIT-RIU3, Baliuag, Plaridel at Bustos police station bandang 11:40 ng gabi ng Agosto 10.

Nasamsam sa suspek ang anim na sachets na hinihinalang shabu na may timbang na 14 gramo na nasa halagang P95, 200.00, P1,000 marked money, coin purse, camouflage holster, cal 45 pistol, magazine, pitong bala at cellphone.

Nabatid na nadiskubreng sangkot umano ang suspek sa pagpatay sa isang alyas “Wang” noong Hunyo 19, 2025 sa By-pass road, Brgy. San Jose, Plaridel.

Nahaharap ang suspek sa kaukulang kaso habang humihimas ng rehas sa nasabing yunit ng pulisya. (Dick Mirasol III)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here