MANILA, Philippines – Magsasagawa ng protesta sa Sabado, Setyembre 21 ang mga nakaligtas sa Batas Militar at tagapagtanggol ng karapatang pantao bilang paggunita sa deklarasyon ng martial rule ng yumaong diktador na si Ferdinand Marcos Sr. 52 taon na ang nakararaan.
Inihayag ito sa press conference nitong Martes na iniharap ng aktibistang madre na si Sister Mary John Mananzan, human rights activist na si Tony La Viña, filmmaker na si JL Burgos, at mga grupo tulad ng Bayan, Karapatan at Tanggol Kasaysayan.
Base sa grupo na magsasagawa sila ng programa sa Liwasang Bonifacio sa Maynila bago isagawa ang protesta sa kahabaan ng Mendiola Street malapit sa Palasyo ng Malacanang.
Hiniling ng mga multi-sectoral personalities sa pulisya na payagan silang magsagawa ng rally.
Nauna nang sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na ang paghingi ng tawad sa mga biktima ng karapatang pantao sa ilalim ng Martial Law na idineklara ng kanyang ama noong 1972 ay “isang personal na bagay sa pamilya Marcos.”
Sinabi niya na ang kanyang “papel bilang Pangulo ay mas mahalaga ngayon kaysa sa aking tungkulin bilang isang miyembro ng pamilya Marcos.”
Ayon sa datos mula sa Human Rights Victims’ Memorial Commission (HRVMC), mahigit 11,103 biktima ang dumanas ng mga paglabag sa karapatang pantao.
May kabuuang 2,326 na biktima ng sapilitang pagkawala o ang Desaparecido ang naitala noong panahon. RNT