Manila, Philippines — May malaking rebelasyon nga bang manggagaling kina Kim Chiu at Paulo Avelino ngayong Disyembre?
Ito ang palaisipan ngayon sa KimPau fans matapos ibahagi ng talent manager at showbiz vlogger na si Ogie Diaz ang impormasyon mula umano sa kanyang source tungkol sa dalawa.
Ayon kay Ogie, posible raw na sa Disyembre magsalita sina Kim at Paulo kaugnay ng matagal nang kumakalat na pregnancy rumor tungkol sa aktres.
“Sabi naman ng source ko, may katotohanan ang tsika na buntis si Kim Chiu. Tapos, eh baka raw this December ay umamin na raw ang dalawa,” ani Ogie sa kanyang vlog.
Bukod dito, nabanggit din niya ang patuloy na usap-usapan na umano’y nagpakasal na sina Kim at Paulo sa Amerika.
Gayunman, hanggang ngayon ay wala pang kumpirmasyon mula mismo kina Kim at Paulo hinggil sa dalawang espekulasyong ito.
Matagal nang pinag-uusapan online ang umano’y pagbubuntis ni Kim matapos bigyan ng iba’t ibang interpretasyon ng ilang netizens ang kanyang mga larawan, videos at pananamit.
Hindi naman direktang kinumpirma o itinanggi ni Kim ang naturang tsika.
Nang minsang matanong si Paulo tungkol dito, maingat niyang sinabi: “Speculations are speculations until proven, so tignan na lang natin.”
Dagdag pa ni Ogie, maaaring magkaroon ng kaugnayan ang timing ng posibleng announcement sa pagpo-promote nina Kim at Paulo ng kanilang Metro Manila Film Festival entry na “A Perfect Marriage.”
Gayunman, nilinaw rin ng showbiz vlogger na impormasyon lamang mula sa kanyang source ang kanyang ibinahagi at hindi pa niya ito personal na nabe-verify.
Kaya naman tila Disyembre ang inaabangan ngayon ng kanilang mga tagahanga.
Sey nga ng isang excited na fan: “Can’t wait to hear the good news! Kung puwede nga lang hatakin ang buwan para December na!”
Abangan na lang kung may pa-Christmas surprise nga ba ang KimPau o mananatiling haka-haka ang mga kumakalat na tsika.