Manila, Philippines — Pinabulaanan ni Claudine Barretto ang kumalat na balitang sumailalim siya sa operasyon dahil umano sa problema sa kanyang braso.
Nauna kasing nag-alala ang kanyang mga tagahanga matapos magbahagi ang aktres ng video habang nakahiga sa hospital bed at dinadala sa isang treatment room.
“Father, you are king over the flood. I will be still, know you are God,” caption ni Claudine sa kanyang post.
Agad namang nagpaabot ng mensahe ng suporta ang ilang kaibigan at kapamilya ng aktres.
“Get well soon, Clau,” mensahe ni Dennis Padilla.
“Oh my! Get well, dear,” saad naman ni Janno Gibbs, habang “Praying, ate,” ang komento ng pinsan niyang si Erika Barretto.
Dahil sa mga larawan ni Claudine, ilang netizens ang nag-isip na may problema umano sa kanyang braso at iniugnay ito sa isang cosmetic procedure.
Kumalat din online ang alegasyong sumailalim siya sa operasyon dahil sa umano’y pumalpak na pagpaparetoke.
Pero diretsahang itinanggi ito ni Claudine at tinawag na “FAKE NEWS” ang naturang ulat.
Kalaunan ay nilinaw ng aktres na hindi siya sumailalim sa operasyon sa kanyang mga braso.
Ayon kay Claudine, ruptured cysts sa kanyang thighs ang dahilan ng kanyang pagkakaospital at kinailangan itong operahan.
Nakalabas na rin ng ospital ang aktres at patuloy na nagpapagaling.
Nagpasalamat siya sa lahat ng nagdasal para sa kanyang paggaling at humiling ng patuloy na panalangin.