Manila, Philippines — Matapos manawagan sa GMA na sana’y mabigyan siya ng raket o trabaho, may panibagong hiling ngayon si Xander Ford.
Gusto naman niyang mabigyan ng pagkakataong makapasok sa Bahay ni Kuya ng “Pinoy Big Brother.”
Kamakailan ay naging usap-usapan si Xander, o Marlou Arizala sa tunay na buhay, matapos niyang sabihing handa siyang tumanggap ng trabaho sa GMA, kahit bilang komedyante.
Umani ito ng samu’t saring reaksiyon mula sa netizens dahil para sa ilan ay tila minamaliit umano niya ang pagiging komedyante.
Ngayon naman, PBB ang gustong pasukin ni Xander.
Sa kanyang Facebook Live, ibinahagi niya ang lungkot dahil matagal na raw niyang pangarap na maging housemate.
“Siyempre, ang hirap din namang ipipilit ko ang sarili ko na makapasok doon, tapos, hindi pala ako puwede. Siguro, huwag na lang!” sey niya.
Bago pa ang livestream, nag-post na rin si Xander ng video kung saan hayagan niyang ipinahayag ang kagustuhang mapabilang sa programa.
Kahit tagalinis lamang daw ang i-offer sa kanya ay handa niya itong tanggapin.
May pa-intro pa siya na tila audition video: “Hello, guys. This is Xander, ako ay taga-Cavite. Ang cute daddy ng Cavite…”
Umaasa rin siyang mabigyan man lang ng pagkakataon bilang guest artist o, kung papalarin, bilang regular housemate.
Para kay Xander, maaari raw itong maging daan upang muling mabuhay ang kanyang showbiz career.
“Gagawin ko po lahat-lahat ng aking makakaya. Papatunayan ko na mabuti po akong tao at hindi po ako masama,” aniya.
Sa ngayon, wala pang indikasyon kung pagbibigyan ng PBB ang panawagan ni Xander.
Pero malinaw na game na game siyang patunayan ang sarili sakaling mabigyan ng pagkakataon sa Bahay ni Kuya.