MANILA, Philippines – Iniulat ng Philippine National Police (PNP) na umabot na sa 57 pulis ang nahaharap sa kasong kriminal kaugnay ng umano’y hazing sa mga bagong talagang pulis sa Lamitan, Basilan.
Sa isang press briefing ngayong Biyernes, sinabi ni PNP spokesperson Police Brigadier General Randulf Tuaño na nadagdagan pa ng tatlong patrolman ang mga kinasuhan dahil sa paglabag sa anti-hazing law.
“Meron pong nadagdag na tatlong patrolman na nakasuhan po ngayong araw. So umaabot na po from 54, 57 ang nakasuhan,” ani Tuaño.
Dagdag niya, sa 54 pulis na una nang inilagay sa restrictive custody, 12 pa lamang ang natutunton ng PNP.
Ang mga sangkot ay mula sa Regional Mobile Force Battalion 14-B. Binalaan ni Tuaño na ituturing na AWOL ang mga pulis na hindi mag-uulat sa loob ng 24 oras.
Naganap ang umano’y hazing noong Enero 5 sa isinagawang “welcome rites” para sa mga bagong talagang pulis sa Lamitan. Sa isang video, makikita ang pananampal, pagsuntok, at pagpitik sa mga bagong pulis ng kanilang mga kasamahan.
Matapos ang insidente, tinatayang nasa 70 pulis ang inalis sa kanilang puwesto. Santi Celario