Home METRO Kinidnap na 4 Indian nationals nasagip, 4 suspek nadakip!

Kinidnap na 4 Indian nationals nasagip, 4 suspek nadakip!

MANILA, Philippines- Apat na Indian nationals ang nasagip ng Las Piñas City police habang apat naman sa anim na suspek na kanila ring kalahi ang nadakip sa isinagawang rescue operation Biyernes ng gabi, Hulyo 5.

Kinilala ni Las Piñas City police chief P/Col. Sandro Jay Tafalla ang mga nadakip na suspek na sina alyas Ramanathan, 22; alyas Devesh, 22; alyas Sanjay, 22; at isang alyas Venkata, 21, mga estudyante at Indian nationals. Dalawa pa sa mga suspek na sina alyas Lmahen at alyas Shivarishi ang kasalukuyang tinutugis ng pulisya.

Sa report na natanggap ng Southern Police District (SPD), kinilala naman ang mga biktima na sina alyas Ven, 21; alyas Vam, 21; alyas Kal, 19; at isang alyas Sai, 22, kapwa mga Indian national at mga estudyante.

Sinabi ni Tafalla na base sa isinagawang imbestigasyon, naganap ang rescue operation ng mga operatiba ng Las Piñas City police Station Investigation and Detection Management Section (SIDMS) dakong alas-10:30 ng gabi sa isang bahay na matatagpuan sa Barangay Pamplona Tres, Las Piñas City.

Ayon kay Tafalla, ang matagumpay na rescue operation ay naganap base sa impormasyon na kanilang natanggap mula sa isang indibidwal na nagsiwalat tungkol sa nagaganap na serious illegal detention at robbery sa mga biktima.

Nauna rito, napag-alaman na noong nakaraang Mayo 24, 2024 ay nirentahan ng mga biktima ang Nissan Terra van ni alyas Shivarishi ngunit nasangkot ito sa aksidente sa Nasugbu, Batangas kung saan sinisingil ang mga ito ng P700,000 na danyos sa sasakyan.

Noong Hulyo 4 ay nakapagbigay naman ang mga biktima ng halagang P500,000 kay alyas Shivarishi ngunit kulang pa ito ng P200,000 at dito na idinetine ang mga biktima hanggang sa ma-rescue na ang mga ito kinabukasan ng gabi.

Napag-alaman din sa imbestigasyon na kinuha ng mga suspek ang isang iPhone 13 na nagkakahalaga ng ₱55,000 at ang mga ATM card ng mga biktima kung saan isinagawa ang hindi awtorisadong transaksyon online na nagkakahalaga ng ₱120,000.

Bukod sa pagkakasagip sa mga biktima at pagkakadakip sa mga suspek ay narekober sa isinagawang operasyon ang kulay puting Hyundai Accent (DAC 2660); isang walis tambo at isang metal na pandakot na hinihinalang ginamit sa pambubugbog sa mga biktima.

Kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng SIDMS ang mga suspek na nahaharap sa patong-patong na kaso sa Las Piñas City Prosecutor’s Office. James I. Catapusan