BATANGAS. Philippines – Magbabalik ang face-to-face classes sa Batangas City Integrated High School (BCIHS) sa Hunyo 30 matapos ideklarang ligtas ang campus kasunod ng pagsusuri sa umano’y shooting threat na naging dahilan ng suspensyon ng klase noong Lunes.
Ayon sa pamunuan ng paaralan, nagsagawa sila ng mga kinakailangang safety at security measures kasama ang Batangas City LGU at iba pang awtoridad.
Matapos ang masusing assessment at pagpapatupad ng mga pag-iingat, tiniyak ng paaralan at LGU na ligtas na ang campus.
Hinikayat din ang publiko na manatiling kalmado at umasa lamang sa opisyal na anunsyo ng paaralan, LGU, at mga awtorisadong ahensya, at iwasang magpakalat ng hindi beripikadong impormasyon.
Nagbabala rin ang paaralan na ang paggawa o pagpapakalat ng mga mensaheng nagbabanta ay isang seryosong paglabag at maaaring magresulta sa disciplinary action at mga kasong legal.
Nauna nang sinuspinde ng BCIHS ang lahat ng klase at on-site activities noong Hunyo 29 matapos makatanggap ng ulat tungkol sa umano’y banta ng pamamaril sa paaralan habang nakikipag-ugnayan ang mga opisyal sa mga awtoridad para tiyakin ang kaligtasan ng komunidad. RNT/MDS