Home HOME BANNER STORY Klase, trabaho sa Maynila sinuspinde ni Isko sa #Nazareno2026; total ban sa...

Klase, trabaho sa Maynila sinuspinde ni Isko sa #Nazareno2026; total ban sa alak, paputok ipinatupad

387
0

MANILA, Philippines – BILANG bahagi ng pagdiriwang na kapistahan ng Mahal na Poong Itim na Nazareno sa Enero 9, Biyernes, naglabas ng kautusan si Manila Mayor Isko Moreno Domagoso na suspendihin ang klase sa lahat ng antas ng pribado at pampublikong paaralan gayundin ang trabaho sa Lokal na Pamahalaan ng Maynila.

Batay sa nilagdaang Executive Order No. 1 Series of 2026 ni Yorme Isko, iniutos nito ang suspensiyon ng klase at trabaho sa lokal na pamahalaan upang matiyak ang kaligtasan, kaayusan, at taimtim na pagdiriwang ng kapistahan, at malayang makalahok ang mga deboto sa taunang Traslacion na dinarayo ng milyon-milyong manlalakbay na may banal na layunin taon-taon sa kapitolyo ng bansa.

Ipinauubaya naman ng alkalde sa mga pribadong kompanya sa Maynila at maging sa pambansang pamahalaan, kung sususpendihin din ang kanilang trabaho.

Naglabas din ng Executive Order No. 2 Series of 2026 ang alkalde na nagpapataw ng liquor ban sa Enero 9 sa loob ng 500 metrong radius sa paligid ng Quiapo Church at maging sa ruta ng Traslacion.

Sa ilalim ng naturang kautusan, ang pagbebenta at pag-inom ng lahat ng uri ng nakalalasing na inumin ay ipinagbabawal upang mapanatili ang katahimikan, kaayusan, at pagrespeto sa taimtim na pagdiriwang.

Sa ilalim naman ng inilabas ding Executive Order No. 3, Series of 2026 ng alkalde, kanyang idineklara ang total ban sa paggawa, distribusyon, at paggamit ng anumang uri ng paputok at pyrotechnics mula Enero 8 hanggang 9 sa buong lungsod upang maiwasan ang pinsala sa buhay, sunog, at iba pang panganib sa gagawing prusisyon ng Itim na Nazareno.

Inatasan din ni Mayor Isko Moreno ang Manila Police District (MPD) at mga opisyal ng barangay na nakasasakop sa mga nabanggit na lugar na mahigpit na ipatupad ang tatlong kautusan na kanyang nilagdaan sa buong panahon ng selebrasyon. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here