MANILA, Philippines – Lalong lumalim ang pagdududa ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III sa alegasyon ng anomalya sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) matapos malaman na may nag-iisang tao ang nagwagi ng 20 beses sa loob ng isang buwan sa lotto.
Ganito ang reaksiyon ni Pimentel, nagtapos ng mathematics degree sa Ateneo de Manila University, matapos ibulgar ni Senator Raffy Tulfo na may nag-iisang pangalan ang kumubra ng jackpot price ng lotto base sa listahan na ibinigay ng PCSO sa Senado na nag-iimbestiga sa alegasyon ng dayaan.
“Not heard about it yet. Will get details first. But if that is the case, then that is not only improbable BUT impossible,” ayon kay Pimentel.
Isa si Pimentel na humiling na iimbestigahan ang integridad ng PCSO games dahil marami ang nagwagi sa nakaraang buwan kumpara sa ilang taon.
Ayon kay Pimentel, hindi natural ang pagkakaroon ng madalas manalo sa Lotto dahil sobrang dami ng kumbinasyon na aabot sa ilang milyon kumpara sa bilang ng tumatayang indibiduwal.
“In one month’s time, napanalunan lahat ng five lotto games ng PCSO after the augmentation of the jackpot… So P1.7 billion ang augmentation parang pamasko nung 2023. Natamaan lahat iyon in more or less one month,” ayon kay Pimentel.
“There have been past instances na more than P500 million ang jackpot, hindi augmented but the natural accumulation of the jackpot and yet tingnan natin ang time period bago siya tinamaan. It took mga three to four months,” giit pa niya.
Nitong Pebrero, isinumite ng PCSO ang listahan ng pangalan ng lotto winners mula July 2023 hanggang January 30,2024.
Iniimbestigahan ng Senado ang alegasyon ng manipulasyon sa resulta ng PCSO games matapos kuwestiyunin ng ilang senador ang madalas na panalo sa lotto games na may malalaking halaga ng jackpot prizes.
Ayon kay PCSO General Manager Mel Robles sa kanyang liham kay Tulfo: “To begin with, these are not jackpot bearing games.”
Ikinatuwiran ni Robles na hindi ibig sabihin na isa lang ang nagwagi sa 20 lotto draws sa loob ng isang buwan kahit siya lamang ang kumubra ng panalo.
“The premise is all wrong. There were 20 claims made by one person not necessarily the winner because a winning valid ticket is transferable,” ayon kay Robles.
“Meaning a winner can ask someone to claim his prize for him. And most of the time they ask the lotto agent to do it for them for a number of reasons,” dagdag niya
“Could be rediscounting or inability to claim the prize due to mobility issues, etc. The data they saw is not about winning per se. In actuality it is about claiming,” giit pa ni Robles. Ernie Reyes