Home NATIONWIDE Komprehensibong protocol sa bansa sa panahon ng tag-init buuin – solon

Komprehensibong protocol sa bansa sa panahon ng tag-init buuin – solon

Manila, Philippines – “Kung may protocol sa tag-ulan, dapat may protocol na rin sa tag-init.”

Ito ang iginiit ni Valenzuela City 2nd District Rep. Eric Martinez kasabay ng paghimok nito sa gobyerno na magkaroon ng comprehensive protocol partikular para sa panahon ng tag-init bilang tugon na rin sa matinding epekto ng climate change.

Pagbibigay-diin ni Congressman Martinez, dahil sa malaking pagbabago sa weather system dala ng climate change kung saan apektado rin ang kilos o galaw ng mga mamamayan, marapat lamang na makasunod at matugunan ang maituturing na ‘new normal’ para na rin sa pangangalaga sa mga komunidad at matiyak ang epektibong pamamahala.

“This is the new normal with global warming, and PAGASA (Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration) also has to adapt to this new normal,” giit pa ni Martinez.

Ayon kay Congressman Martinez, kailangang maging maagap ang pagtugon sa mabigat na epekto sa pagbabago ng panahon at mapalakasin ang kahandaan ng pamahalaan lalo’t ang Pilipinas ay madalas na tinatamaan ng natural disasters.

Pangunahing iminumungkahi ng kongresista ang pag-angat sa PAGASA bilang primary authority sa weather-related decision-making processes.

Ani Congressman Martinez, ang PAGASA ay mayroong malawak na kaalaman at nagtatalagay ng maraming reliable data kumpara sa local government units (LGUs) kung kaya marapat lamang na ito ang magpatupad ng policy hinggil sa lagay ng panahon.

Kaya naman nais ng mambabatas na ang PAGASA ang siyang mamuno sa pagpapasya sa partikular pagsususpinde ng pasok sa eskuwela bunsod ng umiiral na lagay ng panahon, kabilang ang matinding init o heat index.

“Sila (PAGASA) talaga yung dapat pakinggan ng lahat, hindi si mayor na lang ang magsabi, ‘mainit, sige cancelled ang klase,'” mariing sabi pa ni Congressman Martinez.

Sa pamamagitan ng mungkahi niyang pagkakaroon ng government protocol para matugunan ang epekto ng climate change, tiniyak din ni Congressman Martinez na patuloy niyang isusulong ang pagpapatupad ng iba’t-ibang polisiya na magbibigay prayoridad sa ikabubuti at kaligtasan ng lahat ng mamamayan gayundin ang tiyaking matatag at handa ang bansa na harapin ang mga umiiral na pagbabago sa mundo. RNT

Previous articleKaso ng dengue sa Western Visayas tumaas sa mahigit 1,800
Next articleMag-ama pinagbabaril sa Laguna