DAVAO DEL SUR — Nakaligtas sa tangkang pamamaril ang isang konsehal matapos pumalya ang baril ng salarin sa bayan ng Hagonoy, iniulat kahapon.
Kinilala ang biktima na si Konsehal Melvin Ordaneza, na isa ring negosyante at residente ng naturang bayan.
Batay sa ulat ng Hagonoy Municipal Police Station, nangyari ang insidente pasado alas-8 ng umaga noong Linggo habang nasa labas ng barangay hall sa Poblacion ang biktima.
Sa kuha ng CCTV footage, makikitang bumaba ang salarin mula sa motorsiklong sinasakyan at lumapit kay Ordaneza saka tinangka itong barilin. Gayunman, pumalya ang baril ng suspek kaya’t mabilis na tumakbo ang konsehal papasok sa loob ng barangay hall upang magtago.
Agad namang tumakas ang salarin sakay ng motorsiklong minamaneho ng kanyang kasabwat.
Sa pahayag ng biktima sa pulisya, wala umano siyang natatanggap na banta sa kanyang buhay bago ang insidente.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek at ang tunay na motibo sa tangkang pamamaslang. Mary Anne Sapico