Home NATIONWIDE Konsehal ng Maynila pinakakasuhan ng OCP sa paulit-ulit na harassment

Konsehal ng Maynila pinakakasuhan ng OCP sa paulit-ulit na harassment

42
0

MANILA, Philippines – INIREKOMENDA ng Office of the City Prosecutor ng Maynila ang pagsasampa ng tatlong bilang ng kasong paglabag sa Safe Spaces Act laban kay Manila 4th District Councilor Ryan Ponce kaugnay ng reklamong inihain ng kanyang kapwa konsehal na si Eunice Castro.

Ayon sa reklamo, naganap umano ang mga insidente noong Agosto 18 at Setyembre 18 ng nakaraang taon.

Mismong sa kanyang privilege speech noong regular session ng Sangguniang Panlungsod noong Oktubre 9, 2025, ibinunyag ni Castro ang umano’y sexual harassment na kanyang naranasan mula kay Ponce.

Sa isang 9-pahinang resolusyon, inirekomenda ng OCP na kasuhan si Ponce ng paglabag sa Section 16, Paragraph (c) ng Safe Spaces Act sa tatlong bilang.

Gayunman, ibinasura naman ng Office of the City Prosecutor ang reklamong Acts of Lasciviousness laban kay Ponce dahil umano sa kakulangan ng sapat na ebidensiya.

Ayon sa OCP, ang mga mensahe ni Ponce kay Castro noong Agosto 18, 2025, at Setyembre 18, 2025, ay mga gawa ng sexual harassment.

Kasama dito ang mga mensahe na “Good morning, sexy” at “Patingin muna ng good morning face at pantulog mo, para good morning talaga.”

Ang pagtusok ni Ponce sa palad ni Castro ng tatlong beses sa isang handshake ay itinuturing din na isang lewd gesture na naghahatid ng offensive sexual content o intensiyon.

Sinabi ng OCP na ang reaksiyon ni Castro na pagtawa ay hindi dapat ipakahulugan na komportable siya sa mga mensahe o na ang sexual remark ay tinatanggap.

Sa kabila nito, sinabi ni Castro na ikinatuwa niya ang naging resolusyon ng tagausig kaugnay sa reklamong paglabag sa Safe Spaces Act.

Ayon kay Castro, umaasa siyang magsisilbing inspirasyon ang kanyang kaso sa iba pang kababaihang nakaranas din ng kahalintulad na sexual harassment.

Sa ngayon, wala pang inilalabas na opisyal na pahayag si Ponce kaugnay sa inilabas na resolusyon ng Office of the City Prosecutor ng Maynila. JAY Reyes/Jocelyn tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here