MANILA, Philippines – Inaresto ng mga awtoridad ang isang konsehal sa Iguig, Cagayan dahil sa kasong may kinalaman sa illegal na droga nitong Sabado, Setyembre 14.
Kinilala ng Police Regional Office 2 ang suspek na si Emerito Gasmen.
Si Gasmen ay ikinokonsiderang high-value target, na wanted sa paglabag sa Sections 5 (sale) at 11 (possession) ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Hinuli ito sa warrant na may petsang Hulyo 12, 2010 na inisyu ni Judge Severino B. de Castro ng Quezon City Regional Trial Court Branch 82.
Walang inirekomendang bail ang korte para sa suspek.
Nasa kustodiya na ito ng Philippine Drug Enforcement Agency-Region 2 para sa dokumentasyon bago ilipat sa korte. RNT/JGC