MANILA, Philippines – Tiniyak ni Manila City Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na matatapos sa loob ng isang taon ang konstruksyon ng “natenggang” 10-palapag at fully air-conditioned na gusali ng Ramon Magsaysay High School sa España Boulevard, Sampaloc matapos niyang pangunahan ang muling pagsisimula ng proyekto kahapon, Pebrero 10.
Ayon kay Moreno, target ng pamahalaang lungsod na maipasinaya ang bagong gusali sa mismong petsa at oras sa susunod na taon. Giit ng alkalde, nais niyang wakasan ang matagal nang pagkaantala ng proyekto na nagdulot ng pangamba sa mga magulang, guro at estudyante kung kailan ito matatapos.
Sinabi ni Moreno na sisiguruhin ng city government na tuloy-tuloy na ang konstruksyon upang makabalik ang mga mag-aaral sa isang kumpleto at maayos na campus. Aniya, simbolo umano ng panibagong simula ang seremonya ng pagpapatuloy ng proyekto.
Tiniyak din ng alkalde na personal niyang babantayan ang proyekto katuwang ang mga inhinyero, arkitekto, construction workers, barangay officials, pati na ang mga magulang at guro. Matapang pa nitong pahayag, ibabalik umano ang pondo kung hindi matatapos ang proyekto sa itinakdang isang taon.
Pinawi rin ni Moreno ang pangamba ng mga magulang sa kaligtasan ng kanilang mga anak. Aniya, kapag natapos ang gusali ay wala nang istorbo at panganib na dulot ng konstruksyon at mas magiging komportable ang pag-aaral ng mga estudyante sa modernong pampublikong silid-aralan.
Binigyang-diin din ng alkalde na bahagi ito ng pangakong kanyang binitawan noong eleksyon. Iginiit niyang inayos ng lungsod ang pananalapi upang matupad ang nasabing proyekto at handa umano siyang gawin ang lahat para maisakatuparan ang kanyang pangako.
Ipinaliwanag din ni Moreno na ang pagpapagawa ng mga paaralan ay dapat nakaplano hindi lamang para sa kasalukuyan kundi para sa susunod pang mga taon upang maiwasan ang kakulangan sa silid-aralan at matugunan ang dami ng mag-aaral sa hinaharap.
Dagdag pa ng alkalde, mas pinipili ng kanyang administrasyon na ituon ang pondo sa mahahalagang serbisyo kaysa sa mga proyektong pampaganda lamang. Kabilang aniya sa prayoridad ng lungsod ang tinatawag na Minimum Basic Needs gaya ng edukasyon, kalusugan, pabahay at trabaho na nagsisilbing haligi ng kanilang pamamahala. JAY Reyes







