SURIGAO DEL SUR, Philippines – Idineklara ng Sangguniang Panlalawigan ng Surigao del Sur ang buong lalawigan sa state of calamity matapos ang pinsalang dulot ng Tropical Storm Basyang, ayon sa Resolution 762-26 na ipinasa sa special session nitong Lunes.
Sa ulat ng provincial board, 52.44 porsiyento ng populasyon ng lalawigan o 89,816 pamilya na binubuo ng 336,671 indibidwal mula sa 249 barangay sa 19 munisipalidad ang direktang naapektuhan. Sa bilang na ito, 30 porsiyento o 101,324 katao ang napilitang lumikas at nanuluyan sa evacuation centers o sa kanilang mga kamag-anak at kaibigan.
Ayon sa resolusyon, nagdulot ang mabilis na pagbaha at malalakas na agos ng maraming landslide at soil erosion na nagbara sa mahahalagang kalsada sa Cantilan, Madrid, Lanuza, Cortes, Tandag City, Tago, San Miguel, at Bayabas.
Naitala rin ang pagkamatay ng isang 10-anyos na bata na natabunan ng landslide sa Cortes at isang 53-anyos na babae na inanod ng baha sa Carmen. Umabot naman sa PHP1.4 bilyon ang pinsala sa imprastraktura, mga bahay, kalsada, turismo, agrikultura, at pangingisda.
Sinabi ng provincial board na ang deklarasyon ng state of calamity, alinsunod sa Republic Act 10121, ay magpapabilis sa relief at rehabilitation efforts ng pamahalaang panlalawigan. Pinasalamatan ni Governor Johnny Pimentel ang hakbang na ito at sinabing, “We continue to work closely with all agencies to ensure immediate assistance reaches those who need it most.” RNT/MND