Home NATIONWIDE Konsultasyon sa pagrerebisa ng SHS curriculum binuksan ng DepEd

Konsultasyon sa pagrerebisa ng SHS curriculum binuksan ng DepEd

MANILA, Philippines – Nagbukas ng public consultation ang Department of Education (DepEd) para sa revised Senior High School (SHS) curriculum sa ilalim ng basic education program na nakatakdang simulan sa School Year 2025-2026.

Ibinahagi ng DepEd ang 26-page consultation packet para sa pinalakas na programa sa Grade 11 at 12, na maaaring ma-access online mula Abril 4 hanggang Abril 11, 2025.

Iniimbitahan ng ahensya ang publiko na ibahagi ang kanilang mga feedback sa revised SHS curriculum na sumailalim sa review ng ilang taon upang makapagbigay ng
“more effective and responsive education for Filipino youth.”

“To participate, we recommend starting with the Consultation Packet for an overview of the proposed changes. However, you may also review the Curriculum Guides directly before proceeding to the Consultation Platform to submit your comments,” ayon sa DepEd.

Nauna nang sinabi ni Education Secretary Sonny Angara na ang phased implementation ng revised SHS curriculum para sa senior high school ay nakatakdang simulan sa SY 2025-2026.

Sa kabila nito, batay sa consultation packet, ang pilot implementation ay magsisimula sa SY 2025-2026 at batay sa resulta ng pilot, inanunsyo ng DepEd na lahat ng senior high school ay oobligahing ipatupad ang bagong curriculum sa SY 2026-2027.

Tampok sa revised SHS program ay ang pagpapasimple sa core subjects mula sa dating 15 kada semester ay ginawa na lamang lima kada taon para bigyang daan ang mas mahahalagang topic.

Ang limang proposed core subjects ay Effective Communication (Mabisang Komunikasyon), Life Skills, General Mathematics, General Science, at Pag-aaral ng Kasaysayan at Lipunang Pilipino.

Lahat ng mga subject na hindi na bahagi ng ‘core’ ay tatawagin nang ‘eletives.’ RNT/JGC