Home NATIONWIDE Kontaminadong tubig, food-borne illness cases sa gitna ng El Niño binabantayan ng...

Kontaminadong tubig, food-borne illness cases sa gitna ng El Niño binabantayan ng DOH

MANILA, Philippines- Sa gitna ng umiiral na El Niño, nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng mga kaso ng water contamination, food-borne at vector-borne na sakit sa iba’t ibang rehiyon sa bansa.

Noong Enero 2024, nakapagtala ang DOH ng 469 kaso ng kontaminadong pinagmumulan ng tubig sa CAR, Rehiyon 11 at 4A; 59 kaso ng food-borne na sakit sa NCR, Region 10, at BARMM; at 137 kaso ng vector-borne disease (dengue at chikungunya) sa Rehiyon 10 at 4B.

Sinabi ni DOH assistant secretary Albert Domingo na ang nasabing bilang ay hindi pa nakaaalarma ngunit idinagdag na ang mga kaso ay binabantayan at nireresolba o naresolba na.

Ayon kay Domingo, wala pang naitatalang heat stroke cases sa bansa.

Paalala ng opisyal sa publiko, huwag magbilad sa araw, gayundin ay magsuot ng light-colored clothes.

Uminom din ng maraming tubig kung kinakailangan at iwasang lumabas ng alas-10 ng umaga hanggang alas-2 ng hapon dahil ito ang mga oras na mataas ang araw.

Sa datos, ang mga sakit sa panahon ng El Niño ay hindi lamang dahil sa init ngunit kaugnay ng tamang water handling at storage.

Sinabi ni Domingo na nakipagpulong na ang DOH sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) upang matiyak na maayos ang pagkakabit ng concessionaires ng mga tubo ng tubig, dahil ang mahinang presyon ng tubig ay maaaring magdulot ng mga isyu sa kalusugan.

Tiniyak naman ni Engr. Patrick Dizon, department manager at spokesperson ng MWSS, na ang mga concessionaires Manila Water at Maynilad ay sumusunod sa standards sa water supply distribution pipelaying.

Ang pag-iimbak ng tubig ay katanggap-tanggap pero ipinaliwanag ni Domingom ito ay dapat gawin nang mahusay upang maiwasan ang dengue. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articleVoter registrants para sa 2025 elections halos 1M na – Comelec
Next articleChinese envoy ipinatawag ng DFA kasunod ng insidente sa Ayungin