MANILA, Philippines- Magpapataw ang Commission on Elections (Comelec) ng mas mahigpit na mga hakbang upang pigilan ang pagbili ng boto, pagbebenta ng boto at maiwasan ang abuse of state resources (ASR) para sa 2025 elections.
Sa muling paglulunsad ng Committee on Kontra Bigay noong Biyernes, sinabi ni Commissioner Ernesto Maceda Jr. na mas malakas na mekanismo ang ipatutupad para matiyak ang integridad ng parating na halalan at maiwasan ang bawal na paggamit ng state resources sa panahon ng kampanya.
Ngunit sinabi rin ni Maceda na ipalalagay din ng Comelec ang ASR kung ang disbursement ng ayuda o subsidies ay kasama ng campaign materials o sa mga kandidato at kanilang pamilya.
Itinuturing din bilang ASR ang paggamit ng mga media platform na pinondohan ng gobyerno upang isulong ang isang kandidato, ang hindi makatwirang pagbawi o piling pagbibigay ng tulong ng gobyerno sa panahon ng kampanya at ang biglaang pagtaas ng pagkuha ng job orders o contract-based orders kapag nakikibahagi sa partisan electoral activities.
Nauna nang inanusyo ng poll body na ipagbabawal nito ang pamamahagi ng lahat ng uri ng cash assistance o ayuda 10 araw bago ang May elections.
Bukod dito, naglabas din ng Resolution No. 11104 noong Martes na nagpapaintulot sa mga law enforcement personnel na arestuhin ang mga vote buyers at vote sellers nang walang warrant kapag sila ay naaktuhan.
Sa kanyang panig, nanawagan si Comelec chairperson George Erwin Garcia sa mga botante na iwasang ibenta ang kanilang mga boto.
“Wag niyong tanggapin, wag niyong iboto, dahil kinabukasan ang binebenta ninyo,” giit ni Garcia.
Ang Committee on Kontra Bigay na dati nang inilunsad bilang isang task force ay itinaas bilang isang komite o permanent body na inatasan upang tugunan ang pagbili ng boto, pagbebenta ng boto at ASR. Jocelyn Tabangcura-Domenden