MANILA, Philippines – Patay ang isang 58-anyos na engineer at contractor mtapos barilin sa national highway sa Sitio Omanod, Barangay San Francisco, Santa Catalina, Negros Oriental nitong Miyerkules ng umaga, Agosto 27.
Ang biktima ay kinilalang si Engr. Angelito Uy Mendoza, residente ng kaparehong bayan.
Sa inisyal ng imbestigasyon ng Santa Catalina Police Station, patungo ang biktima sa quarry site nito nang barilin ito ng mga hindi natukoy na suspek sakay ng itim na Honda XRM motorcycle habang nagmamaneho rin ito ng kanyang motorsiklo.
Ani Police Chief Maghanoy, .45 caliber na armas ang ginamit sa pamamaril batay sa empty shell na narekober sa crime scene.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang motibo sa pagpatay ngunit ikinokonsidera rin ang posibilidad ng girian sa lupa. RNT/JGC