MANILA, Philippines – Kinilala ni Supreme Court Chief Justice Alexander Gesmundo ang naging kontribusyon ng mga kababaihan sa pagbuo ng bansa.
Ito ang bahagi ng naging talumpati ng Punong Mahistrado sa kick-off activity ng Supreme Court (SC) ng Women’s Month 2025 na may tema na “Babae: Sapat ka! Higit pa! – a Celebration of Women as Pillars of the Rule of Law and a Just and Humane Society.
Sinabi ni Gesmundo na kailangan na kailangan ang mga kababaihan sa pag-unlad ng bayan. Maituturing na maunlad ang isang bansa na kumikilala sa mga naiambag ng mga babae.
“Women are indispensable to the progress of our nation… [They] are present in every sector, every space, and every field — building businesses, leading institutions, shaping policies, and strengthening families and communities. A nation that truly values and supports women’s contributions is a nation that prospers,” ani Gesmundo.
Ang tunay aniyang kapangyarihan at kontrol ng mga babae ay hindi lamang sa pagtatalaga sa pagtatalaga sa kanila bilang mga kinatawan kungdi ang pagkilala sa ambag, mga pananaw, at kadalubhasaan ng mga babae sa paghubog ng bansa.
Ipinagmalaki ng SC na sa sangay ng hudikatura, kalahati ng mga hukom sa trial courts ay mga babae.
Ayon sa SC, 56 percent ng mga trial court judges ay babae, 77 percent naman ang mga babaeng mahistrado sa Court of Tax Appeals, 45 percent sa Court of Appeals, at 35 percent ng mga mahistrado sa Sandiganbayan ay mga babae.
Dalawa ang kasalukuyang mahistrado ng SC — Associate Justices Amy Lazaro-Javier at Maria Filomena Singh. Teresa Tavares