Home NATIONWIDE Kelot kinuyog, sinaksak ng 4 magkakapatid sa Tondo

Kelot kinuyog, sinaksak ng 4 magkakapatid sa Tondo

MANILA, Philippines – Pinagtulungan ng apat na magkakapatid ang isang 25-anyos na lalaki na pinagsasaksak na sanhi ng kanyang maagang pagkamatay sa Tondo, Maynila.

Sa imbestigasyon ng Manila Police District (MPD), nagtungo ang biktima na si Raymond Castillo, 26 anyos, kasama ang kanyang live-in partner sa bahay ng pamilya Ocampo o suspek.

Ayon sa pulisya, hinahanap umano nila sa isa sa magkakaptid ang isang babae na hindi batid ang pagkakilanlan hanggang sa mauwi sa pagtatalo.

Sa gitna na pagtatalo, nagkainitan ang biktima at suspek kung saan tumulong na rin ang dalawa pang kapatid sa pamamagitan ng paghawak sa biktima upang hindi na makapalag pa.

Dito na naglabas ng patalim ang suspek saka itinarak sa likod ng biktima.

Bagamat sugatan at duguan, nagawa pang makatakbo ang biktima at naisugod pa sa ospital ng kanyang kinakasama ngunit hindi rin umabot ng buhay.

Tumakas naman ang magkakapatid na ngayon ay patuloy na tinutugis ng mga awtoridad.

Ang mga magkakapatid na suspek ay nahaharap sa kasong murder. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)