MANILA, Philippines- Nanawagan si Senador Pia Cayetano sa lahat ng ahensya ng pamahalaan na magkaroon ng masusing koordinasyon kasunod ng plano ng Office of the Solicitor General (OSG) na kanselahin ang birth certificates na ilegal na nakuha ng dayuhan sa Pilipinas.
Bilang chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, tinukoy ni Cayetano ang pangangailangan ng isang “pro-active and sustained” collaboration sa pagitan ng Philippine Statistics Authority, Bureau of Immigration, Department of Foreign Affairs, local government units, partikular ang civil registries upang maiwasan ang katulad na pangyayari sa hinaharap.
Noong nakaraang taon, naglunsad ang Senado ang imbestigasyon sa hindi awtorisadong pagpapalabas at pagbibigay ng dokumento ng pamahalaan sa mga dayuhan kabilang ang certificate of live birth, passports, at tax identification numbers.
“The hearings exposed systematic fraud in our civil registration system, particularly through the issuance of birth certificates via late registration,” ayon kay Cayetano.
Tinukoy ni Cayetano ang dayuhan kabilang ang nasangkot sa illegal Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs), na nagsamantala sa kahinaan ng registration system. Nagbabala din siya na na hindi lamang ilegal na dokumentasyon ang isyu kundi nagbabanta ito sa pambansang seguridad.
“The cancellation of these fraudulent documents sends a clear message: Philippine citizenship is NOT for sale,” ayon kay Cayetano.
Nitong Huwebes, inihayag ni Solicitor General Menardo Guevarra na planong ibasura ang lahat ng ilegal at pekeng birth certificates na nakuha ng dayuhan kasunod na total ban ng gobyerno sa POGO na sangkot sa krimen tulad ng human trafficking, illegal detention, and financial scams.
Pinag-aaralan din ng OSG kung paano kukumpiskhain ang nabiling ari-arian at iba pang yaman ng POGO.
Bukod sa ilang senador, sinuportahan din ni Cayetano ang naturang pagkilos na itinuring nitong “decisive steps,” na direktang tinutugunan ang natuklasan ng Blue Ribbon Committee sa pagdinig nitong Marso at Agosto 2024.
“Our investigations revealed that Philippine citizenship was being sold, with some foreign nationals paying up to P300,000 for fake government IDs,” aniya. Ernie Reyes