MANILA, Philippines – Itinanggi ni dating House Speaker at Leyte Rep. Martin Romualdez ang anumang kinalaman sa umano’y korapsyon sa 2025 national budget.
Sa kanyang pahayag, sinabi niyang “no evidence that proves that he committed plunder, conspiracy to commit plunder, or any similar offense that the Ombudsman may be contemplating against me.”
Ito ay kasunod ng hakbang ng Office of the Ombudsman na humiling sa Sandiganbayan ng preventive hold departure order laban sa kanya.
Ayon kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla, iniimbestigahan si Romualdez kaugnay ng alegasyong plunder at money laundering, at hindi rin siya pinayagang bumiyahe patungong Singapore para sa medical check-up.
Iginiit ni Romualdez na wala siyang papel sa bicameral conference committee at small committee deliberations kung saan umano ginawa ang budget insertions.
“With respect to how the budget was deliberated in Congress… I was not a part of the BiCam and the Small Committee budget deliberations,” aniya.
Tinukoy rin niya sina Francis Escudero at Zaldy Co bilang “instrumental” sa mga desisyon sa budget, bagama’t wala pang pahayag mula sa kanilang kampo.
“I will not allow myself to be turned into the scapegoat… I will not go quietly, and I will not go alone,” ani Romualdez.
Samantala, sinabi ng Ombudsman na hiniling ang hold departure order upang maiwasang makatakas ang respondent habang isinasagawa ang imbestigasyon.
Nanawagan si Romualdez na sundin ang due process at batas sa paghawak ng kaso at iginiit na handa siyang sagutin ang lahat ng alegasyon sa tamang forum. RNT/MND