SA nakaraang isang linggo, 20 ang patay habang 14 ang nawawala sa pananalasa ng habagat at mga bagyong Ferdie at Gener.
Sa ulat kahapon ng umaga ng National Disaster Risk Reduction Management Council, siyam ang nasawi sa rehiyon ng Mimaropa, tig-apat ang Western Visayas at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, dalawa sa Zamboanga Peninsula at isa sa Central Visayas.
Wala na si Ferdie sa bansa habang si Gener, kung hindi babalik, wala na rin ngayong araw.
Pero ang habagat, nandiyan lang at patuloy na namemerwisyo.
Itong bagyong si Helen naman na pumasok sa sakop ng bansa kahapon, kasama ni Gener na humahatak sa habagat para mamerwisyo sa buhay, ari-arian at kapaligiran.
Ating sinusubaybayan lagi ang sama ng panahon dahil kung manira nang buhay, ari-arian at kapaligiran ay gayon na lamang.
WALA PA PERO PAANO KUNG DARATING?
Hindi pa natin nararanasan ang talagang malalakas na bagyo sa kabila ng pagiging tag-ulan ngayong taon.
Magpasalamat na lang tayo na itong si Enteng na naging super bagyo at pumatay sa Vietnam ng mahigit 250 tao at mahigit 100 sa Myanmar ay mahinang bagyo lang nang tumama sa atin.
Kay Bebinca o Ferdie, naging malakas din ang pagdating nito sa China at sinabing pinakamalakas ito sa nakalipas na 75 taon, magpasalamat tayo na hindi malakas nang dumating din sa Pinas.
Bukod sa mga patay, sugatan at missing, mga Bro, labis ding pinsala ang pinarating ng mga ito sa ari-arian.
Paano nga kung may darating na mga super bagyo sa mga darating araw at may dalang sobrang ulan?
PAGWAWALDAS SA BILYON PISONG AYUDA
Sumang-ayon man o hindi ang mga awtoridad, masasabing pagwawaldas nang walang katumbas ang bilyon-bilyong halaga na iniaayuda sa mga biktima ng kalamidad.
‘Yun bang === hangga’t hindi tinutugunan nang tama ang mga pananalasa ng mga baha, landslide at iba pa na nakamamatay at nakapipinsala sa ari-arian at kapaligiran, labis-labis na pagwawaldas sa buwis ng bayan ang mga nagaganap na ayuda, maging ang mga rehabilitasyon.
Tanggapin man o hindi ng mga kinauukulan, malaki ang kinalaman ng korapsyon at pandarambong sa mga proyektong anti-flood control na nawawalan ng silbi ang karamihan.
Isipin na lang, nasaan ang mahigit P500 bilyong halaga na ibinuhos buwis laban sa baha sa nakaraang dalawang taon?
Hindi kaya kinulapulan ng korapsyon o pandarambong o kainutilan ang mga proyekto kaya kung dumating ang mga bagyo, ulan at habagat, gayun na lang ang ibinubunga ng mga ito na mapanirang baha, landslide at iba pa?
Nang maganap ang Yolanda na pumatay ng nasa 6-8 katao, nakiiyak malaman na kinorap na ang mga ayuda, pati rehabilitasyon gaya ng pabahay, kinorap din. Huhuhu!






