PATULOY na mataas ang presyo ng mga bilihin, partikular na ang presyo ng bigas. Ito ay sa kabila ng paulit-ulit na direktiba ni Pangulong Bongbong Marcos sa mga ahensiya, partikular sa Department of Agriculture, na solusyunan ang problema.
At marahil, dahil hindi alam ang solusyon, humirit nitong Lunes si DA chief, Francis Tiu Laurel, at sinabing ‘port congestion’ ang talagang dahilan. Translation? “Kasalanan” ito ng Bureau of Customs, aguy, huhuhu!
Kung hindi pa alam ni Sec. Laurel, “walang kasalanan” ang Aduana sa mataas na presyo ng bilihin. Higit 90 porsiyento ng sistema sa BOC ay ‘computerized’ na at patuloy pang inaayos ang buong sistema para mapabilis pa ang daloy ng kalakal papasok at palabas ng bansa.
Hindi rin lumalampas sa kritikal na 80 porsiyento ang ‘yard utilization’ sa mga pantalan kaya paano nagkaroon ng ‘port congestion?’
Dapat tingnan ang hikahos pa ring estado ng ating agrikultura kasama na rito ang bulok na estado ng ating mga imprastraktura katulad ng ating mga kalsada. Bulok din ang ating PNR kaya paanong mabilis at matipid na madadala sa merkado ang mga imported at lokal na produkto?
Ang dapat kasing tingnan ay ang kabuuan ng tinatawag na ‘supply/logistics chain’ ng buong sektor ng agrikultura at ng ating ekonomiya. Kung magastos ang proseso, mahal siyempre ang presyo ng mga bilihin.
At kailan din ba magiging ‘diversified’ ang suplay natin ng langis na monopolyo pa rin ng ‘Big 3’ oil companies kaya mistulang “tsubibo” ang galaw ng presyo nito. Dapat tandaan na ang palaging mataas na presyo ng krudo sa ‘Pinas ang pinakamalaking ‘factor’ kung bakit hindi masawata ang pagtaas ng bilihin.
Higit sa lahat, obligasyon na ngayon ni Sec. Laurel na linisin ang DA at mga ahensiya nito sa sandamakmak na ‘Mafia” na matagal nang perwisyo sa ating mga magsasaka at ekonomiya.
Gets mo, Sec.?