MANILA, Philippines – Pinagtibay ng Kamara ang House Resolution No. 1275 na nagbibigay-pugay kay outgoing South Korean Ambassador Lee Sang-hwa bilang pagkilala sa kanyang ambag sa pagpapatibay ng ugnayan ng Pilipinas at South Korea.
Inihain nina Speaker Faustino “Bojie” Dy III, Majority Leader Sandro Marcos, at Minority Leader Marcelino “Nonoy” Libanan ang resolusyon na naaprubahan sa pamamagitan ng voice vote noong Agosto 4.
Kinilala sa resolusyon ang naging papel ni Lee sa pagpapalalim ng kooperasyon ng dalawang bansa sa larangan ng seguridad, agrikultura, enerhiya, kalakalan, at iba pang sektor, kabilang ang pag-angat ng bilateral relations tungo sa isang strategic partnership sa pamamagitan ng Joint Declaration na nilagdaan noong Oktubre 7, 2024.
Nauna ring ginawaran ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Lee ng Order of Sikatuna na may ranggong Datu, Grand Cross, Gold Distinction bilang pagkilala sa kanyang natatanging serbisyo sa pagpapalakas ng pagkakaibigan ng Pilipinas at South Korea.
Binigyang-diin din ng Kamara ang matagal nang ugnayan ng dalawang bansa mula nang maitatag ang diplomatic relations noong 1949, gayundin ang kanilang pagtutulungan sa seguridad, kalakalan, pagpapalitan ng kultura, at pagtugon sa mga pandaigdigang hamon. RNT/JGC