Home METRO Korean phishing boss, timbog sa Pangasinan

Korean phishing boss, timbog sa Pangasinan

158
0

PANGASINAN, Philippines – Naaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isa umanong lider ng Korean phishing syndicate sa Alaminos, Pangasinan matapos magpanggap na Pilipino.

Sa ulat ng BI, hinarang ng kanilang Fugitive Search Unit (FSU) ang sasakyan ng 41-anyos na suspek noong Martes ng gabi. Nang tanungin kung saan siya ipinanganak, iginiit umano nitong taga-Oranbo, Pasig siya. Pero nabuking nang hindi nito masabi ang pangalan ng kanyang ina — dahilan para umamin sa tunay niyang pagkakakilanlan.

Ayon kay BI-FSU chief Rendel Sy, matagal na nilang sinusubaybayan ang dayuhan sa Batangas kung saan mayroon umano itong resort bago lumipat sa Alaminos.

Sa kanyang pagkakaaresto, nagpakita pa umano ito ng Philippine passport at driver’s license gamit ang Filipino identity.

Napag-alaman na ang suspek ay may nakabinbing Interpol Red Notice at itinuturong lider ng voice phishing syndicate sa Korea.

Nabatid na ang modus ng dayuhang suspek ay mga telemarketer ang tatawag sa mga biktima at magpapanggap na empleyado ng bangko para makakulimbat ng pera kung saan umaabot umano sa milyon-milyon ang nalimas sa mga nabiktima.

Samantala, iniimbestigahan na rin ng Land Transportation Office ang dalawang sasakyan na nakarehistro sa pangalan ng suspek na posibleng ginagamit sa ilegal na operasyon nito sa bansa.

Sa ngayon, nakakulong na ang dayuhan habang inihahanda ang kaukulang kaso at deportation proceedings laban sa kanya.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang mabatid kung lumawak na ang iligal na operasyon ng sindikato nito sa Pilipinas. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here