Home METRO Koreana nasagip sa sexual abuse sa Pasay

Koreana nasagip sa sexual abuse sa Pasay

MANILA, Philippines – Nasagip ng mga tauhan ng Pasay City police ang isang Koreanang turista kasabay ng pag-aresto sa suspect na Koreano na di-umanoý’ sangkot sa sexual abuse at ilegal na droga sa Pasay nitong Sabado ng umaga, Marso 9.

Sa report na isinumite ni Pasay City police chief P/Col. Mario Mayames, Jr., ay kinilala ang biktima na si alyas Min, 23, turista mula sa South Korea, habang ang suspect naman ay nakilala din sa alyas lamang na Hyeongbin, 41.

Sinabi ni Mayames na naisagawa ang matagumpay na pagsagip sa biktima dakong alas-6:30 ng umaga sa isang condominium unit na matatagpuan sa kahabaan ng Macapagal Avenue, Pasay City.

Ayon kay Mayames, ginawa umanong isang sex slave ang biktima at pilit na pinapagamit ng ilegal na droga ng suspect para sa kanyang sariling kapakinabangan.

Nag-ugat ang pag-rescue kay alyas Min matapos makarating sa kaalaman ng ama nito ang malaswang pinaggagawa ng suspek sa kanyang anak kung kaya’t agad na nakipag-ugnayan ang ama sa Korean Embassy sa bansa.

Agad din namang nakipag-ugnayan ang Consular Office ng Korean Embassy sa Investigation and Detection Management Section (IDMS) para sa pagsasagawa ng imbestigasyon kasunod ng pagkakasa ng rescue operation sa biktima.

Makaraan ang pagpaplano ng operasyon ay agad na nagtungo ang mga operatiba ng IDMS kasama ang mga tauhan ng Sub-Station 10 sa lugar na kinaroroonan ni alyas Min kung saan naging matagumpay ang pag-rescue sa biktima at pagkakaaresto sa suspek.

Narekober sa isinagawang operasyon sa lugar ng suspect ang dalawang medium-sized self-sealing plastic sachets na naglalaman ng ng hinihinalang 19 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng ₱129,200, isang medium self-sealing plastic sachet na naglalaman naman ng 15 gramo ng white crystallized substance na hinihinala namang cocaine na nagkakahalaga ng ₱97,500, isa pang maliit na self-sealed plastic sachet na naglalaman din ng pinaghihinalaang dalawang gramo ng cocaine na may halagang ₱13,000, isang improvised glass tube pipe na may kulay puti na straw na ginagamit di-umano bilang isang tooter.

Nahaharap sa kasong paglabag sa RA Sec 11, RA 9165 (HVI), at paglabag sa RA 11648 (an Act Providing for Stronger Protection Against Rape and Sexual Exploitation and Abuse) laban sa suspect na kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Pasay City police.

Dagdag pa ni Mayames na ang matagumpay na pagsasagawa ng rescue operation ay nagpapakita lamang ng pagtugon sa tungkulin ng mga ahensya ng law enforcement upang mapaglabanan ang ilegal na aktibidad ng mga kriminal gayundin ang paniniguro ng kaligtasan at proteksyon ng bawat indibidwal, mapa-lokal man o banyaga ang mga ito. James I. Catapusan

Previous articleMga babaeng judge binigyan ng day-off ng SC bukas, Marso 11
Next articlePastoral visitation sa 74 na parokya ng Diocese of Novaliches, isasagawa