Home NATIONWIDE Pastoral visitation sa 74 na parokya ng Diocese of Novaliches, isasagawa

Pastoral visitation sa 74 na parokya ng Diocese of Novaliches, isasagawa

MANILA, Philippines – Magsasagawa ng pastoral visitation si Novaliches Bishop Roberto Gaa sa mga parokya ng diyosesis sa Novaliches.

Dalawang taon ang ilalaan ng Obispo para bisitahin ang 74 na mga parokya ng diyosesis.

Binigyang diin ng Obispo ang kahalagahan ng pastoral visitation upang malaman ang kalagayan ng bawat komunidad.

“I really need to spend time para makinig, ito ay pagkakataong makinig ang bishop sa mga naglilingkod sa mga parokya,” ayon kay Bishop Gaa.

Mananatili si Bishop Gaa sa mga parokya mula Biyernes ng hapon hanggang Sabado ng gabi kung saan kabilang sa mga gawain ang pakikipagpulong sa Parish Pastoral Council, Finance Council, iba’t ibang ministries at organizations ng parokya, mga eskwelahan, mga opisyal ng barangay at maging home owners association sa mga nasasakupang pamayanan.

Bibisitahin din ng Obispo ang mga munting pamayanan o basic eclessial communities at sa mga kapilya.

Napansin din ni Bishop Gaa ang kakulangan ng mga pari upang gampanan ang mga gawaing pastoral at pagpapastol sa mahigit dalawang milyong kawan kaya’t paiigtingin ng diyosesis ang vocation campaign.

“Sabi ko sa vocation director, let’s push na sana magkaroon ng isang bokasyon bawat parokya, para ma-sustain at may papalit sa mga pari kapag tumanda,” giit ni Bishop Gaa.

Pagbabahagi ng Obispo, 57 taong gulang ang average age ng mga pari ng diyosesis kung saan ilang taon na lamang upang maabot ang retirement age.

Sisikapin ni Bishop Gaa ang pagsasagawa ng pastoral visit sa bawat termino upang matiyak ang ugnayan ng diyosesis sa mga parokya. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articleKoreana nasagip sa sexual abuse sa Pasay
Next articlePetition for review na inihain ng dating opisyal ng PS-DBM ibinasura ng CA sa kaso ng Pharmally