Home METRO Koreano na lider ng hacking ng messaging app sa SoKor, arestado ng...

Koreano na lider ng hacking ng messaging app sa SoKor, arestado ng BI!

MANILA, Philippines – Arestado ng mga awtoridad ang isang Korean national na lider ng grupo ng mga hacker ng messaging app sa South Korea.

Sa ulat, pinosasan ng mga tauhan ng Bureau of Immigration-Fugitive Search Unit ang suspek na kabilang sa red notice ng Interpol.

“Nag-develop siya ng isang program at na-hack nila ang more than 50 million users at ‘yung accounts nito o mga personal data na ibinenta nila sa mga sindikato na nag-o-operate ng voice phishing and other fraudulent activities,” sinabi ni BI-FSU chief Rendel Sy sa panayam ng GMA News.

Matagal na umanong nananatili sa bansa ang pugante ngunit noong isang taon lamang naisyuhan ng warrant at nailagay sa red notice ng Interpol.

“Alam niya rin na wanted na rin siya sa Korea kaya nag-iingat na rin siya at hindi siya masyadong lumalabas. Nagkataon lamang na during our surveillance or stakeout, lumabas siya nang isang beses kaya nasundan namin siya. Pumunta siya sa Pasay area at doon na namin siya hinuli,” dagdag ni Sy.

Kasalukuyang nakakulong sa detention facility ng BI sa Taguig ang puganteng Korean bago tuluyang ipa-deport pabalik ng Korea.

Inaalam din ng BI kung may kasabwat ang dayuhan sa operasyon nito sa Pilipinas. RNT/JGC

Previous articleP1.2B cash aid, programs sa Oriental Mindoro ipamamahagi
Next articleMga babaeng judge binigyan ng day-off ng SC bukas, Marso 11