MANILA, Philippines – Naitala ng Philippine National Police (PNP) ang 12% na pagbaba sa mga “focus crime” o pangunahing krimen sa buong bansa matapos ang pinaigting na anti-criminality operations sa mga high-risk na lugar.
Batay sa datos ng PNP mula Abril 6 hanggang Mayo 6, bumaba ang kabuuang focus crime incidents mula 3,047 sa 2,684, o 363 na mas mababang kaso sa nasabing panahon.
Sa walong krimeng minomonitor, pinakamatindi ang pagbaba sa kaso ng rape na may 25.4% na pagbaba, mula 519 naging 387. Bumaba rin ng 24.3% ang physical injuries, mula 489 naging 370 kaso.
Ang homicide ay bumaba ng 14.1%, mula 99 naging 85 kaso, habang parehong nakapagtala ng 7.4% na pagbaba ang murder at robbery. Bumaba rin ng 5% ang kaso ng theft, mula 1,066 naging 1,014.
Bagama’t walang ibinigay na eksaktong bilang, sinabi ng PNP na ang kaso ng motor vehicle theft ay nananatiling “generally manageable” sa naturang panahon.
Ipinag-ugnay ng PNP ang pagbaba sa inilunsad nitong “Safer Cities” initiative noong Abril, na layong palakasin ang police visibility sa mga urban area, gayundin ang pinaigting na operasyon at evidence-based investigations.
“The organization also reported sustained high performance in Crime Clearance Efficiency (CCE) and improved Crime Solution Efficiency (CSE) involving the eight focus crimes,” ayon sa PNP sa pahayag nito.
Sa pinakahuling monitoring, naitala ang 87.15% crime clearance efficiency rate, habang ang crime solution efficiency ay tumaas sa 68.19% mula sa dating 64.92%.
Ayon kay PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr., ang mga nakamit na resulta ay bunga ng tuloy-tuloy na operasyon ng pulisya at suporta ng mga komunidad at lokal na pamahalaan.
“Ang pagbaba ng focus crimes ay resulta ng tuloy-tuloy na trabaho ng ating mga pulis sa buong bansa, kasama ang suporta ng mga komunidad at local government units. Hindi tayo titigil hangga’t hindi mas lalo pang nararamdaman ng mamamayan ang seguridad sa kanilang mga lugar,” aniya. Santi Celario