Home METRO Krimen sa Mimaropa bumaba ng 63%

Krimen sa Mimaropa bumaba ng 63%

MANILA, Philippines- Bumaba ang crime rate sa Mimaropa region sa 63.64 porsyento sa unang linggo ng Agosto kumpara sa parehong period noong nakaraang taon.

Batay sa datos mula sa Regional Investigation and Detection Management Division ng Police Regional Office-24B, makikitang 52 ang naiulat na krimen mula Aug. 1 hanggang 7, mas mababa sa 143 na naiulat sa parehong period noong nakaraang taon.

Binubuo ang Mimaropa ng mga lalawigan ng Oriental at Occidental Mindoro, Marinduque, Romblon at Palawan.

Nadakip sa kampanya laban sa mga wanted na indibiwal ang 68, kabilang ang 20 most wanted persons sa regional, provincial at municipal levels.

Naaresto rin ang 19 drug suspects habang nakumpiska ang tinatayang 54.62 gramo ng shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P371,388.

Nakapagtala sa mga operasyon laban sa illegal logging ng kabuuang 180 board feet ng nakumpiskang kahoy na ay tinatayang presyo na P9,000.

Labing-lima naman ang nadakip sa apat na anti-illegal gambling operations.

Dinala na lahat ng naarestong suspek at narekober na ebidensya sa police stations para sa imbestigasyon, dokumentasyon, at wastong disposisyon. RNT/SA