Home NATIONWIDE Mapayapang pagsisilbi ng arrest warrant kay Quiboloy hayaan hirit ng Davao police...

Mapayapang pagsisilbi ng arrest warrant kay Quiboloy hayaan hirit ng Davao police sa KOJC members

MANILA, Philippines- Nanawagan ang Davao City police nitong Linggo sa mga miyembro ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) na huwag nang magmatigas at hayaan ang mga awtoridad na mapayapang hanapin ang kanilang pinunong si Apollo Quiboloy.

Sinabi ni Police Regional Office 11 (PRO 11) public information office chief Police Major Catherine dela Rey na umaasa silang muli silang makapagsisilbi ng warrant of arrest laban kay Quiboloy nang walang anumang pagtutol mula sa kanyang mga taga-suporta, tulad ng isinagawa ng National Bureau of Investigation (NBI) kamakailan.

“Hopefully, sa susunod na mag-implement kami ng warrant of arrest, peaceful naman kaming papasukin kasi wala naman kasi kaming ibang purpose doon kundi mag-serve ng warrant of arrest. Ginagawa lang namin ang trabaho namin, ‘yung utos ng korte,” pahayag ng opisyal sa isang panayam.

Nauna nang inihayag ng KOJC ang paninindigan nito sakaling magsilbi ang Philippine National Police (PNP) ng panibagong warrant of arrest laban kay Quiboloy sa loob ng ari-arian nito.

Matatandaan na umigting ang tensyon sa pagitan ng KOJC followers at ng pulisya noong Hunyo 10 nang magsilbi ang PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIG) ng arrest warrant laban sa religious leader.

Iginiit ng KOJC members na nilalayon ng aksyong pilitin si Quiboloy, nahaharap sa mga kaso sa ilalim ng Section 5(b) ng Republic Act 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act at sa ilalim ng Section 10(a) ng parehong batas.

“Sa mga supporters and followers, wala kaming ibang pakay doon kundi to serve the warrant of arrest. Hindi din kayo iha-harass. Sana maintindihan niyo na kung wala namang order ang court sa amin na i-implement ang warrant of arrest, hindi din kami pupunta diyan,” giit ni Dela Rey.

“Hindi kami ang inyong kalaban, hindi kami ang nagsampa ng kaso. Taga-implement lang kami ng order ng court,” patuloy niya.

Nagsilbi ang National Bureau of Investigation (NBI)-Region 11 noong Biyernes ng warrant of arrest laban kay Quiboloy at iba pang co-accused sa KOJC compound.

Sinilip ng mga awtoridad ang underground portion ng KOJC compound, na ginagawa pa, subalit hindi natagpuan si Quiboloy at iba pang co-accused. 

“Doon sa pagpasok ng NBI, isang area lang ang tinignan nila… ‘yung may dome. Pero ang whole compound ay composed ng maraming mga…structures. Kung isang area lang ang pinuntahan, hindi nila na-check ang buong ano, baka doon nagtago sa ibang building si Quiboloy,” wika ni Dela Rey.

“’Yun ang sinasabi ng regional director natin sa Senate hearing na need ng maraming personnel para halughugin ang buong lugar dahil din sa laki,” dagdag niya.

Batay sa indicators at informants, nauna nang sinabi ni PRO 11 chief Police Brigadier Nicolas Torre III na nananatili si Quiboloy sa loob ng KOJC compound sa Davao City sa gitna ng arrest warrant laban sa kanya. RNT/SA