VIRAL si artistic gymnastics champion Carlos Yulo sa mga bata at paslit.
Napanonood nila sa telebisyon, teleradyo, online media at social media si Yulo na lumulundag nang mataas at nagtatambling na paikot habang pabagsak.
Kaya naman, panay ang lundag at tambling ng mga bata kahit saan at kahit kailan na maalaala nila si Yulo.
At sinasalitan ang mga ito ng pagkaadik ng mga bata sa mga gadget kahit nilalamok na sila at posibleng magkasakit ng dengue.
SEGURIDAD SA PALARO
Hindi alam ng mga bata at paslit na puno ng sobrang panseguridad na bagay at sistema ang inilalaan ng mga awtoridad sa mga atletang katulad ni Yulo.
Tinitiyak ng mga awtoridad na hindi mapipinsala ang katawan at buhay ng mga ito una sa pagkain at gamot.
Partikular kay two-gold medalist Yulo, hindi alam ng mga bata at paslit ang ginagawa nito gaya ng matagal na praktis na pag-angat sa ere na nakatayo at paglipad pabagsak na una ang ulo ngunit nakatayo pa rin sa huling sandali, pagkakaroon ng foam sa binabagsakan nito at nakabantay na aalalay sa kanya sa oras na mali ang bagsak nito.
Meron din agad aksyon ang medical team na nagbabantay malapit lang sa lugar ng palaro para itakbo siya sa pinakamagandang ospital sa malapit kung magkaroon ito ng seryosong kamalian at manganib ang kanyang katawan o buhay.
MGA POSIBLENG GAWIN
Napakadelikado talaga ang mga paglundag saka pagbagsak ng mga gymnast.
Isa sa mga posibleng gawin ng mga bata at paslit ang basta paglalagay ng bar o bakal sa mga lugar na mas mataas sa kanila para hawakan, pagbitinan, paglundagan at pagbagsakan.
Karaniwang hindi alam ng mga bata na dapat nakatali o nakawelding o nakatornilyo ang mga ito.
Kapag tumakbo ang bata saka palundag na pakapit sa bar, disgrasyang maliwanag ang abutin nito.
‘Yung isang maliit na la mesa, baka paglundagan nila at sa huli, babagsak sila sa lupa o semento.
Disgrasya ulit ‘yan.
Sa gymnastics sa kababaihan, naririyan din ang kasya lang sa paa na kahoy o bakal na pupwede nilang paglundagan at pagtamblinang nang hindi nalalaglag.
Paano kung gagawa ang mga bata ng dos-por-dos at ilagay sa pagitan ng mga bangko o sala set o la mesa saka roon sila maglulundag na pabaligtad at pabagsak?
Anak ng tokwa, ang laking disgrasya niyan.
Ang isa sa mga pinakamasama, eh, kung lulundag sila mula sa second floor pababa sa mga hagdan.
O kung magtali sila ng mga tali sa mga haligi o puno sa bakuran na may hawakan sila sa dulo at doon sila maglulundag, mag-ikot-ikot at magpabagsak ng katawan.
Naku, panay disgrasya ang abutin ng mga bata at paslit na ‘yan.
MGA MAGULANG MAGBANTAY
Dapat magbantay nang husto ang mga magulang sa kanilang mga anak na madaling humanga sa mga idol sa sports, gaya nga sa mga naglalaro ng gymnastics.
Ang mga titser sa iskul, dapat ding magbantay dahil ang tinutukoy nating mga bata at paslit ay pumapasok na sa day care, kindergarten at Grades 1-3 o 4.
O baka pagsakay at pagbaba sa mga traysikel o jeepney, maglulundag at magtatambling pa sila papasok at palabas.