Home OPINION KRISIS SA PAGKAIN DAHIL SA MGA BUWAYA

KRISIS SA PAGKAIN DAHIL SA MGA BUWAYA

NGAYONG araw sinasabing idedeklara ng gobyerno ang “food security emergency”.

Hindi malinaw ang mga kaakibat ng nasabing emergency ngunit sinabi ni Pangulong Bongbong Marcos na ang layunin nito ay sikaping mapababa ang presyo sa retail ng bigas.

Ang maximum suggested retail price na P58 kada kilo para sa imported na bigas ay magkakabisa.

Isa sa panukala sa pagdedeklara ng food security emergency ay ang pagpapalabas ng mga lumang stock ng bigas ng National Food Authority sa local government units para maibenta sa subsidized na presyo.

Ito’y dahil sa mga alalahanin na ang stock ng bigas ay matagal nang nakatengga sa mga bodega ng NFA at pinangangambahang mabulok.

Isinisisi sa epekto ng El Niño ang patuloy na mataas na presyo ng bigas, gayundin sa pagtaas ng demand bunsod ng patuloy na lumalaking populasyon.

Itinuturo o isinisisi rin ang pag-iimbak, pagpapatakbo ng kartel at iba pang hindi patas na gawi sa kalakalan ng bigas.

Ngunit malaking bigo ang pamahalaan sa pagsasakdal at parusa laban sa mga umano’y manipulator ng mga presyo at suplay ng bigas.

Hindi rin masawata ang mga nagsasamantalang middlemen sa pagtataas ng presyo mula sa gate ng sakahan hanggang sa merkado.

Ang mga Pilipinong magbubukid ay kaawa-awa. Madalas banggitin ni Marcos ang pangangailangang i-overhaul ang supply chain hindi lamang para sa bigas kundi pati na rin sa iba pang agricultural commodities nang sa gayo’y mapababa ang retail prices habang kasabay nito ang pagtaas ng kita ng mga magsasaka.

Subalit napakabagal nang pagkilos sa planong ito kung kaya naghihinala ang publiko na may mga opisyal ng pamahalaan at politiko na kabilang sa mga middleman/manipulator na hindi maaaring galawin.

Sabi nga, sila ang mga totoong buwaya na lumalamon sa maliliit na magsasaka kung kaya marami na sa kanila ang humihinto na sa pagbubungkal ng lupa para makapagtanim.

Maraming lupaing mapagtatamnan subalit nawawalan na ng pagasa ang karamihan ng magsasaka dahil hindi sapat ang suporta ng pamahalaan sa sektor ng agrikultura.

Milyun-milyong Pilipino ang umaasa sa agrikultura para mabuhay ngunit marami pa ring Pilipino ang nabubuhay sa ilalim ng linya ng kahirapan.

Paano gaganahang magbukid o magtanim ang mga magsasaka kung lalamunin lang sila ng mga buwayang pinoprotektahan ng mga nasa pamahalaan?