MANILA, Philippines – Inamin ng Commission on Audit (COA) na ang kakulangan ng mga auditor, partikular sa 1st District Engineering Office ng Bulacan, ay isa sa mga dahilan kung bakit hindi agad na-flag ang mga ghost at substandard flood control projects sa lalawigan.
Sa pagdinig ng Senado para sa 2026 budget, sinabi ni COA Chairperson Gamaliel Cordoba na dalawang auditor lamang — ang team leader at assistant team leader — ang naka-assign upang magbantay sa 11 munisipalidad, tatlong lungsod, at walong tanggapan ng Land Transportation Office (LTO) sa distrito.
“We only have two auditors in Bulacan’s 1st District… bumaba ang aming bilang ng posisyon dahil nabawasan kami ng DBM,” ani Cordoba.
Dagdag niya, 20% ng kabuuang pondo para sa flood control ay nasa Region 3, at halos kalahati nito ay nasa Bulacan.
Upang tugunan ang problema, nagsagawa ang COA ng fraud audit sa mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Bulacan. Ayon kay Cordoba, 21 fraud audit reports ang nailabas na, kung saan walo ay naisumite na sa Office of the Ombudsman, at ang iba ay ipinadala sa Independent Commission for Infrastructure (ICI).
Ang mga ulat na ito ang naging basehan sa pagsuspinde ng ilang kawani ng DPWH na sangkot sa umano’y iregularidad.
Kabilang sa mga pinangalanan sa flood control scandal sina Henry Alcantara, Brice Hernandez, at Jaypee Mendoza, mga inalis sa serbisyo at kasalukuyang nakakulong sa Senado matapos ma-contempt ng Blue Ribbon Committee. RNT