MANILA, Philippines – Iniimbestigahan ng Philippine National Police (PNP) ang pagpatay kay Niruh Kyle Antatico, dating legal researcher ng National Irrigation Administration (NIA) Region 10, na nagsiwalat umano ng korapsyon sa pondo ng irigasyon.
Si Antatico, 40 taong gulang, ay binaril ng mga suspek na sakay ng motorsiklo sa Crossing Patag, Cagayan de Oro City nitong Biyernes.
Ayon kay PNP acting chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., bumuo na ng Special Investigation Task Group (SITG) upang tutukan ang kaso at makipag-ugnayan sa NIA-10 hinggil sa mga isiniwalat ng biktima.
“Kinokolekta na ng mga imbestigador ang lahat ng ebidensya, kabilang ang CCTV footage at testimonya ng mga saksi,” ani Nartatez. “Tinitingnan namin ang lahat ng posibleng anggulo, kabilang ang trabaho ng biktima, at gagamitin ang lahat ng paraan upang mahuli ang mga responsable.”
Inatasan din ni Nartatez ang mga lokal na pulis na protektahan ang mga posibleng saksi at iba pang taong konektado sa isiniwalat ni Antatico.
Ayon sa NIA-10, sinusuri pa nila ang mga alegasyon ng katiwalian na ibinunyag ng biktima bago siya pinaslang. Santi Celario