Home HOME BANNER STORY Kulay ng palit-uniporme ng mga guro sa tag-init sinita ng solon: May...

Kulay ng palit-uniporme ng mga guro sa tag-init sinita ng solon: May political meaning?

MANILA, Philippines – Sinita ni ACT Teachers Party-List Representative France Castro ang guidelines ng Department of Education para sa alternatibong uniporme para sa mga teaching at non-teaching sa panahon ng tag-init.

Batay kasi sa inilabas na larawan ng DepEd, pinapayagan ang mga school personnel na magsuot ng collared DepEd polo shirts na ginagamit sa mga event at aktibidad ng DepEd, na kinabibilangan ng mga kulay puti, pula at berde.

“Parang mayroong political meaning ‘yan ah, ‘yung kulay na ‘yan- red and green,” komento naman ni Castro.

“Sana pabayaan na lang ‘yung mga teachers at saka mga non-teaching personnel na pumili ng kulay na gusto nila para maging mas komportable sila ngayong tag-init. ‘Wag nalang gamitin ‘yung may mga political meaning noong last elections. Kasi baka pag-isipan pa ang DepEd ng maagang pangangampanya sa eleksyon,” aniya pa.

Ang DepEd noong Lunes ay nag-post ng mga alituntunin tungkol sa mga alternatibong uniporme sa kanilang Facebook page, kung saan sinabi nito na ang mga guro at non-teaching personnel ay maaaring magsuot ng collared polo shirts na ginamit sa mga nakaraang kaganapan sa DepEd tulad ng Brigada Eskwela, Palarong Pambansa, atbp.

Maaari rin silang magsuot ng white collared polo shirt na may logo ng DepEd at MATATAG.

Ang nasabing mga kamiseta ay maaaring ipares sa “matte black pants” alinsunod sa mga alituntuning naunang inilabas ng Civil Service Commission.

Ang mga kulay na ipinakita sa mga larawan ay puti, pula at berde, ngunit bukod sa puting polo shirt na binanggit ng DepEd, walang ibang “prescribed” na kulay ang nabanggit sa post. RNT