Home OPINION KUNG MAY ABUSO, MAY MAPAGBIGAY DIN NA MMDA

KUNG MAY ABUSO, MAY MAPAGBIGAY DIN NA MMDA

MARTES ng hatinggabi hanggang Miyerkules ng hapon ay mataas ang blood pressure ng inyong PAKUROT marahil ay sa naganap na pagpipigil ng galit o inis sa traffic enforcer ng Metro Manila Development Authority na pumara sa sasakyan namin sa kanto ng Quirino Avenue at Osmeña Highway nang makitang foreigner ang driver.

Inakusahan ang driver ng nagmamaneho habang gumagamit ng mobile phone. Nang sinabi ng driver na ang cellphone nya ay nasa bulsa at ipinakita sa kanya nang hugutin sa bulsa nito, ang hiningi ng traffic enforcer ay driver’s license na agad iniabot sa kanya. Tinanong kung kailan dumating sa Pilipinas at nang sagutin ay sinabing expired na ang lisensya niya.

Ipinaliwanag ng inyong lingkod na international driver’s license ang iniabot sa kanya at ang validity noon ay isang taon. Ayokong makipagtalo dahil lalabas ang sungay ko kapag napikon na ako kaya hinayaan ko na lang na magdadaldal ang traffic enforcer.

Sabi ko sa kanya, gawin nya na kung ano ang gusto nya. Tiketan nya kung titiketan nya. Pero alam ko, walang violation ang driver. Ang lokong traffic enforcer, pinipilit akong mag-sorry. Dapat daw mag-sorry ako para sa driver dahil kami raw naman ay parehong Pilipino. Anong Logic meron ang enforcer na ito? Nagtagal na kami dahil ayokong mag-sorry, pero dahil kasama ko ang anak ko at dalawang apo, at napakahaba na ng itinagal naming sa lansangan dahil sa traffic, nag-sorry na ako para matapos lang.

Noong Huwebes, may isang kaibigan na tumawag sa akin at kailangan ako kaya bagaman coding noong Huwebes ay lumabas din ako ng bahay at sabi ko nga, pagdating ng Quezon City tiyak alas-8 na ng gabi.

Dumating ako sa kanto ng Mindanao at North Avenues 10 minuto bago alas-8 kaya “swak sa banga” pa rin ang inyong lingkod. Nilapitan ako ng traffic enforcer, magalang na sinabing coding ako. Humingi lang ako ng paumanhin sabi ko “Sir, pasensya na po, emergency lang kailangan lang po ako ng isang kaibigan.”

Pinagbigyan ako ng traffic enforcer at sinabing “Mam, iraradyo ko na rin po sa ibang kasamahan na palampasin na kayo. Para hindi na po kayo sitahin. Ingat po.”

Kaya may mga enforcer na hindi maganda ang approach at takaw atensyon pero meron din namang nakauunawa. Hindi na kailangang magpakilala pa. Trabaho lang ang ginagawa nila pero may puso at kayang magbigay kung kailangan.

Pero iyong karanasan ko noong Martes, unforgettable talaga. Ako ang pinagsosorry hindi naman ako ang driver. At walang violation. Anak ng kulugo!!!